Matagumpay na nailunsad ang pagpapalabas ng pelikulang Migrante (The Filipino Diaspora) sa Milano, Italy noong ika-6 ng Abril. Humigit kumulang sa 400 OFWs ang nanood at marami ang naluha at nagsasabing totoo ang sinasaad ng pelikula. Marami din ang nagsasabing sana ay may Part 2 marahil na rin sa naantig ang kanilang mga damdamin batay sa istorya na isinasalarawan ang kanilang mga karanasan bilang mga OFW.
Ito'y isa sa pelikulang Pilipino na kinabibilangan ng mga mahuhusay na artistang sina Allen Dizon at Jody Sta.Maria sa Direksyon ni Joel Lamangan. Ang Migrante ang isa sa tanging nagsasalasay sa tunay na kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa iba't ibang dako ng mundo. Ito ang naglalarawan ng tunay na kabuhayan ng sambayanang Pilipino, mula sa kabukiran tungo sa ibang bayan upang makipagsapalaran para sa kinabukasan ng Pamilya. Matutunghayan din dito ang relasyon ng bawat isa sa pamilya kung paano nasisira,nagkakahiwalay ang mga mag-asawa at mas masakit na iwanan ang mga anak.
Ang mga kumatawan sa Istorya ng pelikula ay iilan lamang sa libo-libong migranteng Pilipino ang nakakaranas ng matinding kahirapan, pananakit at pagmamalabis ng mga amo, mga kababaihang ginagawang aliping sekswal ng mga walang pusong employer. Patuloy ang pagdami ng mga migranteng Pilipino dahilan sa matinding kahirapan sa bansang Pilipinas. Ang kawalan ng matatag na hanapbuhay, kawalan ng libreng edukasyon sa kabataan, kawalan ng libreng pagamutan at ipa pang serbisyong panlipunan.
Ang kasalukuyang pamahalaang Aquino ay hindi pa rin nakikitaan ng mga migranteng Pilipino upang lutasin ang matinding kahirapan sa bansa bagkus ay itinutulak pa nito ang mga mamamayan na mangibang bayan. Dahil tayong mga OFW ang nagpapataas ng pangkabuuang kita ng bansa o ang GDP (Gross National Product). Ang mga remmittances natin ang syang nagsasalba sa pabulusok na ekonomiya at pambayad utang ng bansa sa IMF-WB. Sa kabila ng mga ipinapadalang remmittances ng mga OFW ay wala man lamang ibinabalik sa atin ang gobyernong Aquino, bagkus ay patuloy pa ang iba't ibang uri ng mga bayarin na sinisingil sa atin ng mga Embahada at consulado nito. Wala na tayong natamong libre sa mga tanggapang ito mula sa xerox machine,
certificates at lahat ng dokumentong ipoproseso sa mga tanggapang ito.
Wala parin kongkretong programa ang pamahalaan para sa ating mga OFWs at pamilya, ang ipinangangalandakan nilang Reintegration program ay nagmula parin sa dugo at pawis nating mga OFWs. Mabagal at usad pagong ang pagpapauwi sa mga kababayan nating naiipit sa gyera, wala parin aksyon ang pamahalaan sa patuloy na pagtugis sa mga kababayan nating walang dokumento sa saudi. Tila walang hakbangin para tulungang makauwi ang mga OFW's na walang mga dokumeto sa kabila na silay
napakinabangan na ng pamahalaan mula sa kanilang mga remmittances.
Ang Migranteng Pilipino ay patuloy na oorganisahin ang kanilang hanay upang isulong ang kanilang mga karapatan at kagalingan kasama ang kanilang mga pamilya.
Sa muli ang Migrante Milan at Migrante Partylist kasama ang buong Organizers ng Migrante Film Milan screening ay taos pusong nagpapasalamat sa lahat ng OFW na nanood at sumuporta, sa mga sponsors at mga tumulong upang mailunsad ang nasabing pagpapalabas ng Pelikulang Migrante. Ipagpatuloy natin ang ating mithiin ng pagkakaisa para sa iisang layuning magkaroon ng isang tunay buhay na kapiling ang pamilya at mga mahal sa buhay sa sarili nating bayan.
TULOY ANG LABAN NG MIGRANTENG PILIPINO!!!
MIGRANTE-Milan Italy
Email: migrantemilan99yahoo.com