
Mabilis na dumadausdos ang kabuhayan ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Matapos ang halos isang taon sa ilalim ng pamamahala ni Aquino, lahat ng mga pangako nitong pagbabago ay walang idinulot na pagbuti sa kabuhayan ng sambayanan.
Sa loob lamang ng ilang buwan mula nang manungkulan si Pang. Aquino, tumaas na nang mahigit 15% ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Wala siyang ginagawa para kontrolin ang presyo. Siya pa mismo ang nagtulak sa pagtataas ng singil sa mga tren at expressway. Nagpapakainutil siya sa harap ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Pinababayaan niya ang pagsirit nito dahil sa malaking buwis na nakukulekta ng kanyang gubyerno mula rito.
Patuloy pa rin at lalo pang tumitindi ang Labor Export Policy program na lalo pang nagpapalala sa kalagayan sa hanay ng mga manggagawang migrante dahil sa pagtaas ng mga bayarin sa mga Embahada, pagbawas sa mga ofw assistance fund at iba pang anti-migranteng patakaran katulad ng Circolare 29 at 4.
Kung anu-anong baluktot na pangangatwiran ang ipinupukol ni Aquino para harangin ang signipikanteng pagtataas ng sahod. Ipinananakot ng malalaking kapitalista na ang ipinaglalabang P125 na pagtaas sa sahod ng mga manggagawa ay magpapalaki raw ng tantos ng implasyon at di-umano ay ikalulugi ng maliliit na negosyante at magreresulta sa lalong pagdami ng mga walang hanapbuhay.
Kasakiman sa tubo ang tunay na nasa likod ng pagharang sa P125 across the board na pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. Ang totoo'y katumbas lamang ito ng 15% ng tubo ng kalakhan ng mga kapitalista sa Pilipinas. Paliwanag ng Ibon Foundation, isang independiyenteng institusyon ng pananaliksik, na sapat-sapat ang tubo ng mga negosyante sa bansa upang suportahan ang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-sahod. Binanggit ng Ibon na ang datos mismo ng gobyerno na nagmula sa 2008 Annual Survey of Philippine Business and Industry ng National Statistic Office (ASPBI-NSO).
Dapat ilantad, batikusin at tapusin na ang panlilinlang at panloloko sa mga manggagawang Pilipino ng rehimeng Aquino, ng mga "boss" nitong ganid sa tubo na mga Kapitalista at mga propagandista nila.
Dapat magbigkis ang uring manggagawa at iba pang mamamayan sa malalawak na alyansang magdadala sa kanilang mga komun na interes at magtutulak ng kanilang kolektibong kahilingan.
URING MANGGAGAWA MAGKAISA!
LABANAN AT KUNDENAHIN ANG MGA NAGAGANAP NA PAGTAAS SA MGA PREYO NG MGA PANGUNAHING BILIHIN!
MAKATARUNGANG P125 DAGDAG NA SAHOD NGAYON NA!
URING MANGGAGAWA! HUKBONG MAPAGPALAYA!