Defend and uphold migrant's rights!

Umangat-Migrante

via Giolitti, 231 Roma, 00185 Italia
338-9707897
umangatmigrante@gmail.com

ANNOUNCEMENT

INTERNATIONAL WOMEN'S DAY CELEBRATION

March 9, 2014 (15:00-17:00) 

Ass. Articolo 3. via Dancalia 19, ROMA 

 

Mensahe: UMANGAT 14TH ANNIVERSARY

11/04/2012 14:43

Higit pang isulong ang makabayang kilusan ng mga migranteng Pilipino tungo sa pagkakamit ng panlipunang pagbabago sa ating Inang Bayan!
(Mensahe sa ika-14 anibersaryo ng Umangat-Migrante at Ugnayan sa Himpapawid)

Isang mainit na pagbati ang ipinaaabot ng Migrante Europe sa mga kasamahan natin at kababayan na nagbubuklod sa Umangat-Migrante Rome, Italy at Ugnayan sa Himpapawid, sa pagdiriwang nila ng ika-14 anibersaryo ng samahan, sa ika-18 ng Marso 2012.

Malayo na ang narating ng Umangat-Migrante at may lalim na itong naabot sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa ating mga kababayan sa Rome, para sa kanilang karapatan, kagalingan at para sa interes ng ating inang bayan. Tumatayo ang Umangat-Migrante bilang sentro hindi lamang sa pakikipaglaban para
sa karapatan at kagalingan ng ating mga kababayan sa Rome, kundi maging sa mga isyu sa Pilipinas na umaapekto sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Dahil dito, umaalingawngaw ang tinig ng mga migranteng Pilipino at ng Umangat-Migrante mula Rome hanggang sa mga syudad, bayan at baryo sa Pilipinas ng mga ka-pamilya ng mga migrante natin sa Rome, at maging sa sentrong pamahalaan ng Pilipinas. Iginagalang at tinitingala sa Italy hindi lamang ng mga kababayan
kundi ng mga mamamayan ng Italy na nakauunawa sa init ng komitment ng samahan sa mga prinsipyong iwinawagayway nito. Di biro ang libu-libong boto na ibinigay ng mga migrante sa Migrante Sectoral Party nung nakaraang party-list elections sa Pilipinas dahil sa rekord ng pagtataguyod sa interes ng migranteng Pilipino at
ng makabayang adhikain nila ng Umangat-Migrante at iba pang makabayang samahan sa Italy.

Inabot din ng Ugnayan sa Himpapawid, ang programa sa radyo na proyekto ng Umangat-Migrante, ang libu-libong kababayan sa Rome sa paghahatid hindi lamang ng mga balita sa Italy at sa Pilipinas, kundi ng boses ng makabayan at militanteng migranteng Pilipino, na hindi madalas marinig sa elitista at kontroladong midya.

Hamon sa Umangat-Migrante at sa lahat ng makabayang samahan ng mga migranteng Pilipino, na abutin pa ang pinamalawak na bilang ng kababayan natin at buklurin sila sa mga makabayan at demokratikong organisasyon na maglilingkod hindi lamang sa interes ng migranteng Pilpino kundi sa buong sambayanan upang kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya, katarungan, kapayapaan at kaunlaran.

Gayundin, hamon ang higit pang pagpupukaw sa mga mamamayan ng Italy na maging kaibigan ng pakikibaka ng sambayanan sa pagbabago ng lipunang Pilipino.

Dagdag pa, higit na hinihingi sa ating lahat na pag-ibayuhin pa ang kampanya sa hanay ng mga kababayang migrante at laluna sa kanilang mga pamilya at kaibigan sa Pilipinas, upang makamit ang minimithing tagumpay ng ating party list, ang Migrante Sectoral Party, na makapanalo ng pwesto sa kongreso.

Nanniniwala kami sa higit pang pagsulong ng Umangat-Migrante, at pagkakamit nito ng dagdag na mga tagumpay sa gawain sa hanay ng mga kababayan at sa mga mamamayan ng Italya.

Kasama ang Umangat-Migrante at iba pang organisasyong makabayan at demokratiko ng mga migranteng Pilipino sa pagsusulong ng mas malawak na kilusan ng mamamayang Pilipino para sa pagtatayo ng isang lipunang malaya, may pagkakapantay-pantay, katarungang panlipunan, kapayapaan, katahimikan, hanapbuhay,
oportunidad – mga bagay na paghahandaan natin sa ating pagbabalik sa ating mahal na Inang Bayan sa malapit na hinaharap!

Mabuhay ang Umangat-Migrante! Mabuhay ang Ugnayan sa Himpapawid!
Mabuhay ang makabayang kilusan ng mga migranteng Pilipino!
Kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya!

MIGRANTE Europe
Postbus 15687, 1001 ND Amsterdam
The Netherlands
17 Marso 2012

Create a website for free Webnode