Panibagong problema na naman ang kinakaharap nating mga migranteng Pilipino dito sa Roma, Bolzano, Trento, Aosta, Palermo at Cagliari ang bagong CIRCOLARE 29 [Registrazione del nome dei cittadini della Repubblica delle Filippine] ng Ministero dell’ Interno ng Italya na nag-uutos sa pagtatanggal ng ating MIDDLE NAME sa ating mga dokumento, sa kahilingan ng Embahada ng Pilipinas [Al fine di evitare che il nome di mezzo venga confuso con un secondo nome proprio, l’Ambasciata ha chiesto alle Autorita italiane di ometterne l’indicazione. Cf. page 2, par 3] Napakalaking kumplikasyon ang dulot nito para sa ating mga migrante dito sa Italya dahil kailangan na naman nating ipabago ang ating pangalan sa ating mga dokumento tulad ng permesso di soggiorno, carta identita, codice fiscale at iba pa. Mapipilitan naman tayong magbayad ng mga hindi makatarungang bayarin sa sertipikasyon sa embahada at sa mga ahensya ng gobyerno ng Italya at ang masaklap pa ay tiyak na apektado rin ang ating trabaho dahil matinding pakiusapan na naman sa mga amo ang ating gagawin para sa pamamaalam sa ating gagawing pag-sasaayos ng ating mga dokumento. Kung natatandaan natin, halos sampung taon na ang nakakaraan ng sama-samang nating tinutulan ang pagpapatupad ng embahada sa paggamit ng Full Middle Name sa ating mga pasaporto sa dahilang ito’y magkakaroon ng malaking kumplikasyon sa mga dokumento natin sa Italya. Ngunit nanaig pa rin ang pagkagahaman ng gobyernong Pilipinas at ito ay kanilang ipinatupad. Sa simula nag-isyu ng libreng sertipikasyon para di tayo mahirapan sa pagpabago ng ating pangalan sa mga ahensya ng gobyernong Italya, kinalaunan ang sertipikasyong nabanggit ay kasama na sa mga matataas at sobrang bayaring pinapataw ng embahada sa ating mga migrante. Ang masaklap nito, kailangan pa rin itong ipa-authenticate sa Prefettura na may marca di bollo na nagkakahalaga ng 14.62 euro. Mga kababayan, hindi makatarungan ang ginawang paghiling na ito ng ating embahada na tanggalin ang ating MIDDLE NAME sa ating mga dokumento dahil walang naganap na konsultasyon sa hanay nating mga migrante at ito rin ay paglabag sa Magna Carta of 1995 ng OFW. Dapat ay isinalang-alang muna nila ang magiging epekto nito sa ating mga migrante lalo na ang mga hindi makatarungang bayarin komplikasyon sa ating dokumento at antala sa trabaho. Tandaan natin na tanging sa pamamagitan lamang ng ating sama-samang pagkilos ay makakamit natin ang ating minimithing pagbabago sa mga mali at hindi makatwirang patakaran pinaiiral ng ating Pamahalaan kasama na ang DFA at Phil. Embassy. Napagtagumpayan natin na maiapawalang bisa ang pakana nilang MC04, Pag-ibig Mandatory Membership at gayundin ay napilitan ang Embahada na ibaba ang sinisingil nilang bayad sa pagrerenew ng ating pasaporto sa pamamagitan ng ating pagsasama-sama sa kilos protesta sa harap ng Embahada. Subalit patuloy na binabawi ng ating ng mga napagtagumpayan muli ay itinaas nila ang singil sa pagrenew ng pasaporto at ngayon ay nakaamba ang Circolare 29 at ang POEA memo #9 o ang Mandatory Insurance for OFWs na panibago na naman pasanin at pahirap sa ating mga migrante. Huwag nating hayaan na magpatuloy na naman ng pangungutong (state exaction) mula sa ating hanay, hindi dapat tayo magdusa sa mga hindi makatarungan bayarin at kumplikasyon sa ating dokumento at trabaho. SAMA-SAMANG NATING TUTULAN AT LABANAN CIRCOLARE 29 at POEA MEMO #9!! ITIGIL ANG PANGGAGATAS SA MGA MIGRANTE! SERBISYO HINDI NEGOSYO! DUMALO AT makilahok sa ating isasagawang kilos protesta sa harap ng ating Embahada sa darating na ika-9 ng Disyembre 2010 ganap na ika-3 ng hapon. |
Gayundin ay nanawagan din po kami sa mga kababayan natin na nakaranas ng problema na may kaugnayan dito ay makipag-ugnayan po lamang sa mga numerong nakasaad sa itaas at kung maari po sana ay maipaabot ang ating panawagang ito sa inyong mga kapamilya at mga kaibigan.